logo text

Marrying A Probinsyano (Chapter 3)

Nakaka-trenta minuto pa lamang si Aira sa pagtakbo ng maramdaman na namumulikat ang paa niya. Napamura siya dahil sa sakit na dulot niyon. Medyo maliwanag na rin at ilang minuto na lang ay magbubukang-liwayway na. Nag-jojogging naman siya pero madalang lamang at saglit lamang dahil masyado siyang abala.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong sa kaniya ni Jake. Napatingin siya dito kasabay ng pagkagat-labi para indahin ang sakit na nararamdaman niya. Huminto siya at ganoon din ito. Kitang-kita sa mukha nito ang labis na pag-aalala.
"Medyo sumasakit ang paa ko," tugon niya at napatingin siya sa isang upuan na yari sa narra na kasya ang dalawang tao. Nasa lugar sila kung saan may mga matatayog na punong kahoy at may mga upuan na pwedeng pagpahingaan di-kalayuan sa kanila. Itinuro niya iyon. Napatingin naman doon si Jake. "Pwede doon muna tayo?" tanong niya. Siguro iika-ika na lang siya maglakad para makarating doon. Hindi na niya hinintay na sumagot ito dahil gusto na niyang maupo kaya nagsimula na siyang maglakad ng paika-ika. May kalayuan pa naman ang upuan pero kakayanin niya. Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Jake at ilang saglit lamang ay nasa harapan na niya ito at umupo.
"Piggy back kita. Tiyak na mahihirapan ka kapag ganiyan ang kalagayan mo," sinsero at punong-puno ng pag-aalala nitong sabi. Hindi na siya nag-inarte pa dahil sa totoo lang hindi na niya kayang maglakad patungo sa upuan. Agad siyang sumampa sa likuran nito at ipinatong ang dalawang kamay sa balikat nito para doon kumuha ng suporta.
Hindi maiwasang mapangiwi ni Jake ng tumayo siya mula sa pagkakaupo at naka-piggy back si Aira. Mabigat ang dalaga pero kakayanin para rito. Kanina, napapansin niya na nahihirapan ito sa pag-jojogging kaya sobrang nag-alala siya. Marahil hindi sanay ang dalaga sa ganitong ehersisyo. Hindi niya maiwasang mapangiti ng idantay nito ang ulo sa balikat niya. Sa ilang araw na magkakilala sila ay napapalapit siya ng husto rito. At may napagtanto siya sa sarili. Gusto niya ito. Sino ba naman ang hindi ito magugustuhan? Mabait at masayahin ito. Magugustuhan kaya nito ang mahirap na kagaya niya? Mayaman ito kaya mayaman lamang ang nararapat rito. Huminga siya ng malalim para pakalamahin ang sarili. Nang marating nila ang upuan ay sinulyapan niya ito. Nagtama ang kanilang mga mata na naging dahilan para bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Ngumiti siya.
"Narito na tayo," sabi niya ng nasa tapat na sila ng upuan. Umupo siya para makababa ito.
"Salamat. Nahirapan ka tuloy," anito ng makaalis sa pagkaka-piggy back niya rito. Umupo si Aira sa upuan at ininat-inat ang mga paa.
"Hay sa wakas makakapag-relax na rin," anito habang nakapikit pa. Napatitig siya rito. Napakaganda talaga nito at napakasarap titigan ang maamo nitong mukha. Bigla itong nagmulat ng mga mata kaya nagtama ang kanilang paningin. Ngumiti ito. She tap the space beside her.
"Upo ka para makapagpahinga ka rin," paanyaya nito. Imbes na maupo sa tabi nito ay naupo siya sa harapan nito saka tiningala ito. Pagkalito ang makikita sa mukha ng dalaga.
"Bakit?" tanong nito.
"Tanggalin ko ang sapatos mo para mamasahe ko ang iyong mga paa," sabi niya. Kitang-kita niya ang pamumula ng pisngi nito dahil sa hiya.
"Huwag na, Jake. Ayos lang ako," pagtutol nito.
"I insist. Para guminhawa rin ang pakiramdam mo," aniya. Napakagat-labi ito at tumingin sa kaniya saka tumango-tango.
"Sige para maging maayos na ang pakiramdam ko at makauwi na rin tayo," anito.
Nagpalinga-linga siya. Naghanap siya ng pwedeng maupuan. Nakakita siya ng kalakihang bato di-kalayuan. Tumayo siya at kinuha iyon saka inilagay sa harapan ni Aira. Nang makaupo ay siya na ang kusang nagtanggal sa sapatos nito. Nang matanggal, inilagay niya sa kaniyang hita ang paa nito at hinilot iyon. Minasahe niya iyon para mawala ang sakit ng paa nito.
Hindi maiwasang mapatitig ni Aira kay Jake habang minamasahe nito ang kaniyang kaliwang paa. Tapos na kasi nitong masahehin ang kabilang paa niya. Gumaan ang pakiramdam niya sa ginawa nito. Nawala na rin ang pananakit non.
"May magic ata ang mga kamay mo," biro niya rito. Natawa ito kasabay ng pag-angat ng tingin. maaliwalas ang mukha nito.
"Sa'yo lang siguro may magic," anito na ikinatawa rin niya.
Matapos nitong masahehin ang paa niya ay ito na ang nagsuot ng sapatos niya. Hindi niya tuloy maiwasang makaramdam ng selos sa babaeng magiging kasintahan nito. Napaka-swerte nito kung si Jake ang mapapangasawa nito. Hindi naman siya magtatagal rito kasi uuwi na rin naman siya at hindi niya alam kung kailan ulit siya bibisita rito.
Hindi niya alam kung magugustuhan siya ng binata dahil hindi naman ito nagpapakita ng motibo sa kaniya. Hindi naman niya binibigyang ng kahulugan ang mga ipinapakita nito dahil ayaw niyang umasa. Masasaktan lang siya.
Nang matapos ito sa ginagawa ay nagpasya na silang umuwi. Napagpasyahan nila na pumunta muna sa bahay nina Jake at ipakilala siya sa magulang nito. Hindi kasi niya nahaharap ang pumunta sa bahay ng binata dahil mas pinagtuunan niya ng pansin ang pamamasyal dahil iyon talaga ang ipinunta niya rito.
Nakaramdam siya ng kaba dahil mame-meet niya na ang magulang nito at ang bunso nito. Ang bunso nitong kapatid ay nasa isang Universidad sa kalapit na lungsod. Nag-aaral kasi ito roon at mapapagastos kung uuwi. Nang makarating ay kaagad siyang pinapasok sa loob ni Jake.
"Oh, may bisita pala tayo!" Napatingin siya sa nagsalita. Tantiya na nasa edad 50 pataas ito pero kababakasan pa rin ang kagandahan rito. Ngumiti siya at lumapit sa ginang saka nagmano.
"Aira Castro po, Tiya," magalang niyang pakilala sa sarili.
"Kaawaan ka ng Diyos," anito at binalingan si Jake. "Maghanda ka na ng agahan para makakain na rin tayo pagbalik ng iyong itay," utos nito sa binata na dagli namang sinunod ang bilin ng ina.
Hinawakan ng ginang ang kamay ni Aira at iginiya siya sa kusina. Maayos ang bahay at kongkreto iyon. May second floor iyon. Kompleto rin sa gamit at masasabing may kaya ang pamilya ni Jake. Pinaghila siya ng upuan ni Jake na ipinagpasalamat naman niya sa binata. Nagpakilala ang ginang sa kaniya at ganoon din siya rito. Tinulungan ni Tiya Carol si Jake sa paghahanda ng agahan. Gusto din sana niyang tumulong pero hindi siya pinayagan. Napatingin siya sa pintuan ng kusina ng makarinig siya ng mga yabag. Pumasok roon ang isang lalaki na sa tantiya niya nasa sinkwenta'y singko anyos. Kahit ganoon pa man makikita sa tindig at katawan nito na alaga nito ang sarili. Napatingin ito sa kaniya.
"Magandang umaga po," bati niya sa matanda.
"Mukhang may bisita tayo," anito at nginitian rin siya. Tumingin sa kanila si Tiya Carol.
"Oh, Edgar nandiyan ka na pala!" anito at sinalubong ang asawa saka pinunasan ang pawis nito sa noo gamit ang panyo na nasa balikat nito.
Hindi niya maiwasang humanga sa dalawa na kahit matanda na ay naroon pa rin ang init ng kanilang pagmamahalan.
"Ang sweet nila ano?" komento ni Jake na hindi niya napansin na nasa tabi na pala niya. Napatingin siya rito at nagtama uli ang kanilang mga mata. Naputol lang iyon ng makarinig sila ng pagtikhim. Sabay silang napatingin ni Jake kay Tiyo Edgar na may ngisi sa mga labi samantala si Tiya Carol naman ay nakangiti lamang habang pinagmamasdan sila.
"Baka naman pwede mo ipakilala sa'kin ang iyong bisita, anak," wika ng ama ni Jake.
Agad na tumayo si Jake at ipinakilala siya. Nakipagkamay siya rito. Matapos maipakilala ay nagtungo na sila sa hapag-kainan at pinagsaluhan ang agahan na inihanda nila Jake at Tiya Carol. Masayang kausap ang mga magulang ni Jake at magaling magbiro si Tiyo Edgar na naging dahilan para matawa siya. Sigurado na siya, may babalikan siya rito. Higit sa lahat na babalikan niya ay si Jake. Hindi man sila ang itinadhana at least pwede naman sila maging magkaibigan ng binata. At least iyon ay pangmatagalan. Sabi nga nila, no break up.

Book Comment (345)

  • avatar
    MusaFátima

    good

    2d

      0
  • avatar
    LacorteMarlyn

    maganda ang kuwento

    21d

      0
  • avatar
    Yodga Bagunao

    slmat

    18/04

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters