logo text

Her First Crush (Last Chapter)

Pasado alas-otso na ng umaga nang makabalik sila sa bahay ng mga Domites. Isang matamis na ngiti naman ang sinalubong sa kanila ni Ginang Maria na kaagad silang binigyan ng maiinom. Sandali naman siyang nagpaalam upang magbihis at maligo. Pagkatapos ay kaagad din naman siyang bumalik sa sala upang daluhan sila.
“Uuwi na ang mga magulang nyo bukas. Makakauwi na rin kayo sa bahay nyo,” ani ng ginang.
“Salamat po sa pagpapatuloy nyo sa amin dito, tita,” saad naman niya.
Aminin man niya o hindi ay nalulungkot siya sa pag-uwi nila sa kanilang tahanan bukas. Gusto pa sana niyang makasama pa ng matagal ang lalaking matagal na niyang nagugustuhan. Pero wala na siyang magagawa pa dahil uuwi na ang kanilang mga magulang at susunduin na sila ng mga ito bukas.
“Gawin nating memorable ang huling araw nyo dito sa bahay. Tara sa likod,”ani ng binata habang may malawak na ngiti sa mga labi.
“Okay. Ipagluluto ko kayo ng makakain,” dagdag naman ni Mrs. Domites.
Nagpunta nga sila sa likod bahay kung saan naroroon ang malaking swimming pool, at maliit na garden. May mga tables din doon na may mga malaking payong bilang pangsangga sa sikat ng araw. Magtatanong pa sana siya ngunit isang sigaw na lamang ang kumawala sa bibig niya nang bigla siyang buhatin ni Miguel, bridal style, bago sila tumalon sa swimming pool.
Nagsaya at nagbonding silang tatlo doon na para bang bumalik sila sa pagkabata. Naghabulan, nagbasaan, nagtulakan sa pool, at nagtawanan sila habang pinaghahanda naman sila ng masarap na pagkain ni Ginang Maria. Ito ang tamang pagkakataon upang magsaya matapos ang hindi inaasahang pangyayaring naranasan nila.
“Halina kayo! Luto na,” sigaw ni Mrs. Domites na umagaw ng kanilang atensyon.
Nag-unahan naman silang umahon sa pool at sabik na lumapit sa may hapag kainan na puno na ng masasarap na pagkain. Daig pa nila ang may okasyon dahil sa dami at engrande ng mga nakahain sa kanila ngayon.
“Wow, tita! Parang ayaw ko na po yatang umalis dito kung ganito po araw-araw ang kakainin ko,” pabirong saad ni Belinda.
“Why not? Pwede naman,” ani ng binata na nagpakabog ng dibdib niya.
“Ayy, kuya. H’wag mong binibiro ng ganyan si ate. Sige ka, baka totohanin talaga nya iyan,” natatawang saad naman ni Lucas.
“Bakit naman kasi hindi, di, ba? Kami lang ni Miguel ang nandidito sa bahay. Nakakalungkot din minsan dahil wala na akong ibang nakikita kundi ang mukha ng anak ko. Pwede naman na dumalaw kayo dito. Isa pa ay hindi naman nagkakalayo ang bahay natin sa isa’t-isa,” ani ng ginang.
Hindi nya alam kung ano ang kanyang dapat na maramdaman. Matagal na niyang gusto ang binata at ang marinig mismo mula sa ina ng lalaking pinakamamahal niya ang mga katagang iyon ay parang dream come true para sa kanya. Ngunit ang katotohanang one-sided love lamang sila ay hindi madaling tanggapin.
Ala-una na ng hapon nang dumating ang kanilang mga magulang upang sunduin sila. Sandali pang tumigil ang mga ito upang magpasalamat sa pamilya Domites sa kabutihan na pinakita ng mga ito sa kanila. Pagkatapos ay malungkot siyang sumunod sa mga magulang niya pauwi sa kanilang bahay na ilang metro lang naman ang layo mula doon.
Maagang nagising si Belinda upang magbihis at abangan si Miguel sa pag-jo-jogging nito. Hindi naman siya nabigo dahil nakita niya ang binata at inalok siyang sumama dito. Ganoon palagi ang kanyang ginagawa. Gigising ng maaga upang magbihis at abangan ang lalaki pagkatapos ay pagod na uuwi sa kanilang bahay. Hanggang isang araw ay bigla na lamang siyang hindi makatayo mula sa kanyang pagkakahiga.
“Ate, ano bang nararamdaman mo? Tatawag na akong doctor,” anas ni Lucas na bakas sa mukha ang pag-aalala.
“Masakit lang ang buong katawan ko. Isa pa mabigat ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit,” tugon niya.
Nilapitan naman siya ng kapatid at dinampi ang palad nito sa kanyang noo upang alamin kung may sakit ba siya o wala. “Nasabi ko na kina mom at dad. Baka pauwi na iyon maya-maya.”
Tumango naman siya. “Okay. Salamat, Lucas.”
Ilang minuto pa ang lumipas at dumating na nga ang ina nila kasama ang isang babae na may stethoscope sa may leeg. Lumapit ang dalawa sa kanya at kaagad na inalam kung ano ang nangyayari gamit ang mga bitbit ng babae na mga gamit.
“May history ba si Belinda sa kahit na anong sakit noon?” tanong ng ginang.
Tumango naman ang ina niya. “Mahina ang puso ng anak ko noong isinilang ko siya hanggang sa maging pitong taon na siya. Akala namin ay nawala na dahil hindi naman na siya inaatake simula noon.”
“Maaaring bumalik ang mga sakit lalo na kung inborn na ito. May ginawa ba siya na naka-trigger sa kanyang sakit? Maaaring nabigla o napwersa ang katawan nito. Pinilit niya ang sarili na gumawa ng mabibigat na bagay,” anang babae.
Napakagat labi naman siya. Hindi naman niya alam na may sakit pala siya dahil wala naman siyang nararamdamang kakaiba sa kanyang sarili. Kung alam naman niya ang bagay na iyon ay nagdahan-dahan sana siya
“Anong ginagawa mo lately, anak?” tanong ng kanyang ina.
Napaiwas naman siya ng tingin. “Jogging lang, mom tuwing umaga.”
“Gaano mo na katagal ginagawa iyon?” tanong naman ng babae.
“Isang linggo na po,” tugon naman niya.
Napahinga siya ng malalim dahil sa mga rebelasyon na nalaman niya tungkol sa kanya. Pinaliwanag naman sa kanila ng doktora kung bakit siya nagkaganon at kung ano ang mga dapat niyang gawin. Hindi na siya pwedeng gumawa ng mabibigat na mga gawain at limitado na rin ang galaw at kakainin niya. Kailangan niyang mag-ingat dahil kapag nabigla daw ang katawan dahil sa pwersadong pagkilos ay doble ang sakit na dulot noon.
Umalis na ang doktora pagkatapos nitong magbigay ng reseta ng mga gamot na dapat niyang inumin. Nagpaalam naman kasunod noon ang kanyang ina dahil kailangan nitong bumalik sa opisina at bumili na rin ng mga gamot niya. Mabuti na lamang at nagkataon na bakasyon sila dahil kung hindi ay tiyak niyang hindi siya makakapasok ng ilang araw.
“Napabayaan mo na ang sarili mo, ate dahil sa pagpapapansin kay kuya Miguel. Sa lahat ng ginawa mo, anong naging bunga? Wala. Napahamak ka pa,” angil ng kapatid niya na pinagbabalat siya ng mga prutas sa may bedside table.
“Hindi ko naman alam na may sakit pala ako. Kung alam ko lang sana, ehh, ‘di, nagdahan dahan sana ako,” depensa naman niya.
“Itigil mo na ang pagpapapansin kay kuya Miguel. Hindi ka naman mahal nung tao. Pinipilit mo pa sa sarili mo. Masasaktan ka lang,” anito.
Hindi naman siya nakasagot dahil tama naman ang kapatid niya. Alam naman niya noon pa na siya lamang ang nagmamahal sa kanilang dalawa. Simula noong lumipat ang pamilya Domites sa kanilang subdibisyon ay napukaw na nito ang loob niya. Doon din nagsimula ang pagpapapansin niya dito kahit pa hindi niya alam kung may patutunguhan iyon o wala.
Nakapag-isip na si Belinda na titigil na siya sa paghabol sa binata dahil siya rin naman ang kawawa sa huli. Handa na sana siyang kalimutan ang lahat ngunit sadya yata siyang inaasar ng tadhana dahil ang lalaking kakalimutan na niya sana ay pumasok sa kanyang silid na may bitbit pang isang tupperware. Naupo ito sa silya na malapit sa may kama niya at malamlam siyang tinitigan.
“Kumusta ang pakiramdam mo? Sinabi na sa akin ni Lucas ang lahat. Patawad,” anito na nagpalaki ng mga mata niya.
“A-Anong sinabi ng kapatid ko sa’yo?” nauutal niyang tanong.
Hinawakan ng binata ang kamay niya. “Kasalanan ko kung bakit ka nagkaganyan. Patawad kung naging duwag ako at hinayaan kong ikaw ang gumawa ng mga bagay na dapat na ako ang gumagawa.”
“Anong ibig mong sabihin?” aniya.
Tinitigan siya nito sa mga mata. “Ikaw ang pinaka-magandang babae na nakita noong lumipat kami dito sa lugar nyo. Natakot lang ako na baka magbago ang tingin mo sa akin kapag umamin ako. Matagal na rin kitang gusto, Belinda.”
Dumagundong naman ang tibok ng puso niya nang marining ang mga katagang iyon. Kasunod noon ang isa-isang pagpatak ng kanyang mga luha dahil sa saya na bumalot sa kanyang buong sistema. Hindi siya makapaniwala na ang lalaking matagal na niyang gusto ay may pagtingin din pala sa kanya.
“T-Totoo ba ito?” aniya.
Napatawa naman ang binata. “Gusto kita, Belinda.”
Hindi na siya nagsayang pa ng oras dahil hinila na niya sa may leeg ang lalaki upang yakapin ito at bigyan ng matamis na halik. Pakiramdam niya ay nabuhay lahat ng organismo niya sa katawan at nawala ang nararamdaman niyang sakit. Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Kahit na masakit at may iniindang problema, kapag nanaig ang pag-ibig, mawawala na lang lahat na parang bula.

Book Comment (269)

  • avatar
    Ricablanca Desirie

    good story

    08/03

      0
  • avatar
    EmrrMohha

    nice story

    13/12

      0
  • avatar
    Mirull Efype

    wow

    17/10

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters