DONYA

"Mom, hindi mo naman kailangang gawin iyang balak mo," nakikiusap na sabi ni Daniella, ang bunsong anak ni Donya Estrella. 
Kasalukuyan kasing isinusuot ng matanda ang pekeng wig sa kaniyang ulo. Nakasuot rin ito ng punit-punit ng damit na mukhang basahan at lumang palda na hanggang sakong ang haba. Nakahanda na rin ang isang pudpod na tsinelas at isang baston sa tabi ng kama niya. Makikita sa mukha ng kaniyang anak ang pag-aalala sa plinaplano ng ina. Balak kasi ni Donya Estrella na magpanggap na isang pulubi sa isang branch ng pag-aari nilang bangko. Hindi lingid sa kaalaman ng matanda na mahina ang sales ng bangko na labis niyang ipinagtataka dahil malakas naman ang ibang branch nila. Kaya ngayon, balak niyang magpanggap na isang pulubi para makita ang ugali na mayroon ang mga clerk ng bangko. Tutol si Daniella sa balak ng ina dahil baka saktan siya ng mga ito. Tumabi siya ng upo sa anak na makikita sa mukha ang pag-aalala. Hinawakan nito ang kamay ng dalaga.
"Ginagawa ko ito para sa branch. Gagawin ko ito para makita kung ano ang nangyayari sa branch natin. Huwag kang masyadong mag-alala kaya ni mommy ang sarili. Kapag ginawan nila ako ng masama tatawagan ko si Greg," mahabang paliwanag ng donya. Si Greg ay isa sa mga kilalang pulis ng donya. Bumuntong-hininga na lamang si Daniella at tumango. Hindi na niya mababago ang desisyon ng ina dahil buo na ang desisyon nito sa gagawin. Hinalikan ni Donya Estrella sa buhok ang anak saka isinuot ang pudpod na tsinelas at kinuha ang baston. Hindi na makilala ang matanda. Pulubing-pulubi ito sa suot at itsura na bahagyang nilagyan ng dumi ang mukha. Matapos magpaalam sa anak ay lumabas na siya ng silid saka nagpahatid kay Manuel, ang kaniyang personal driver. Ibababa siya nito sa isang lugar na walang gaanong tao para hindi siya makita. Nang makababa, napangiti si Donya Estrella dahil tiyak na magiging matagumpay ang gagawin niya.
Sa kabilang banda, kasalukuyang nag-uusap ang tatlong empleyado ng isang bangko. Nagtatawanan ang mga ito at hindi alintana ang mga nakapilang tao. Ang iba ay naiinip na dahil mas inuuna pa ng mga ito ang pakikipagkuwentuhan kaysa asikasuhin sila. 
"Miss, huwag sanang madaming kwentuhan. Madami pang naka-pila oh?" sabi ng isang lalaki na nakapila. Inirapan ito ni Jessica,  isa sa mga clerk kung saan nakapila ang lalaki. 
"Maghintak ka, kuya! Kung hindi ka makapaghintay, puwede ka naman pumunta sa ibang bangko. Iyon ay kung may mahahanap ka. Alam mo naman na ito lang ang bangko sa bayan na ito at tiyak na mapapagastos ka pa sa pamasahe," masungit na sabi ng babae. Napabuntong-hininga na lang ang lalaki at hindi na lang pinansin ang pagtataray ng babae. Iyong iba ay lumilipat na ng bangko kahit  sa kabilang bayan pa iyon. Iyong iba ay nagtiyatiyaga na lamang dahil "no choice sila". Ilang sandali lamang ang lumipas, may isang matandang lalaki na nagngangalang Gelbert ang nais pumasok sa bangko, marumi ang mga damit at panyapak dahil galing siya sa isang construction site kung saan siya nagtratrabaho. Gusto kasi nito na mag-open ng bank account para makapag-ipon para sa kinabukasan ng kaniyang mga anak.
"Ano pong kailangan niyo?" magiliw na tanong ng guwardiya na si Ned. Mabait si Ned sa mga pumapasok na tao. Ang problema lang talaga ay ang mga empleyado sa loob na may masamang ugali.
"Mag-oopen lang sana ako ng bank account," tugon ng lalaki. 
"May mga requiremets na po ba kayo?" tanong ni Ned. Tumango ang lalaki. Inalalayan ng guwardiya si Gelbert patungo sa loob. Pinapila nito ang lalaki. 
"Dito muna po kayo," magalang na sabi ng guwardiya. Nagpasalamat ang lalaki. Akmang aalis na si Ned ng tinawag ito ni Patricia, isa sa mga clerk.
"Kuya Ned! Anong ginagawa niyan dito? Bakit ka nagpapapasok ng maruming lalaki? Mamaya magnanakaw pala iyan! Palabasin mo kuya. Mahirap nang manakawan. Mas maganda na iyon nag-iingat tayo!" sigaw ng babae. Nabaling ang tingin ng mga naroon sa lalaki. Awa ang mababasa sa mga mata nila. Hindi naman maiwasang malungkot ni Gelbert dahil ganoon ang tingin sa kaniya ng babae. 
"Pero ma'am ramdam ko naman na hindi siya masamang tao," wika ni Ned. Binigyan ng babae ng masamang tingin ang guwardiya.
"Kung hindi mo susundin ang ipinag-uutos ko, Kuya Ned. Tatawagan ko ang management at sasabihin ko na nagpapasok ka ng matandang gusgusin at magnanakaw! Tandaan mo kuya mawawalan ka ng trabaho ora-mismo," sigaw ni Patricia. Ito kasi ang team leader doon. Tumayo ang matanda at nginitian ang babae. Nakaramdam ng takot si Ned sa banta ng babae. Akmang magsasalita na siya ng maunaha siya ng lalaki.
"Hindi ko alam na ganiyan ka pala mag-isip sa kapwa mo, miss. Hinuhusgahan mo sa panlabas na anyo ng isang tao. Hindi mo ba alam na kadalasan sa mga magnanakaw ay nagpapanggap na mayaman? Tandaan mo may balik iyang mga ginagawa mo," makahulugan na sabi ni Gelbert. Natawa si Patricia. Hindi alintana ang mga tao na naroon.
"Hindi mo ako kailangang takutin, manong gusgusin dahil alam ko ginagawa ko. Layas!" maldita nitong sabi saka binalikan si Ned. "Palabasin niyo na iyan kuya," galit nitong sabi saka bumalik sa puwesto.
Tiningnan ni Gelbert ang guwardiya saka ngumiti at sinabing aalis na lamang siya kaysa maapektuhan pa ang trabaho nito. Mahirap na lalo kung may pamilya itong binubuhay. Inihatid naman ni Ned ang matanda sa labas saka humingi ng tawad sa inasal ni Patricia. Nanghihina na naglakad paalis ang matanda. Hindi niya alam na sa direksiyon na tinatahak niya ay naroon pala ang magbibigay sa kaniya ng magandang buhay.
Naglalakad si Donya Estrella patungo sa pag-aaring bangko ng may makasalubong siyang lalaki na para bang pinagsakluban ng langit at lupa ang itsura nito. Nakaramdam siya ng awa kaya dali-dali niya itong nilapitan. Isa rin sa katangian ng donya ay ang pagiging matulungin sa kapwa lalo na sa mga nangangailangan. Nanggaling din kasi sa mahirap na pamilya ang donya.
"Mister, may problema ba?" tanong niya ng makalapit rito. Natigilan ang lalaki na para bang wala sa sarili. Dahan-dahan itong nag-angat ng mukha. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Pakiramdam ni Gelbert ay wala rin naman maitutulong sa kaniya ang kaharap lalo at isa itong gusgusing matanda o sa mas tamang salita, isang pulubi. Pero sa loob loob niya, mas mainam na rin na masabi niya ang nagpapabigat sa dibdib niya dahil alam niyang pagtatawanan lamang siya ng mga katrabaho niya kung ikukuwento niya sa mga ito ang dinanas niya. Huminga ng malalim si Gelbert.
"Nagtungo kasi ako sa isang bangko. Iyong malapit lang rito. Nais ko sana magbukas ng account pero ipinagtabuyan ako ng babaeng clerk at sinabing isa raw akong magnanakaw. Ganoon na ba ang tingin nila sa mga mahihirap na kagaya ko? Tumitingin sila sa panlabas na kaanyuan?" nalulungkot na sabi niya. Nakaramdam ng awa ang matanda sa lalaki. Alam na niya kung anong bangko ang tinutukoy nito. Ang bangko lang naman nila ang nag-iisang bangko sa bayan. Bago ito umalis ay natanong niya ang pangalan nito. Nagtungo sa isang eskinita ang matandang babae at kinuha sa bulsa ng palda ang maliit na cellphone na dala niya in case of emergency. Nasa di-kalayuan ang kotseng sinakyan niya at naroon pa ang driver niya. Tinawagan niya si Manuel.
"Donya Estrella! Napatawag kayo? May problema po ba?" nag-aalala nitong tanong.
"Nakita mo ba ang isang matandang lalaki diyan na may maruming damit at tsinelas? May mahabang buhok?" tanong niya.
"Opo, ma'am. Nakalagpas na po," tugon ni Manuel.
"Sundan mo kung saan siya patungo at agad mong ipaalam sa 'kin ang address niya," utos niya.
"Masusunod po! Mukhang may binabalak po kayo Ma'am Estrella, huh? Tiyak na isang tao na naman ang magbabago ang buhay dahil sa pagtulong ninyo," sinserong sabi ni Manuel. Natawa ng mahina ang matanda.
"Alam mo naman na galing ako sa isang mahirap na pamilya bago ko nakilala si Paulino. Gusto kong makatulong sa kapwa ko kahit sa maliit na paraan. Kahit naman nasa itaas na ako hindi ko pa rin nakakalimutan kung saan ako nagmula," nakangiting tugon ng donya. Nagpaalam na si Manuel kaya pinatay na niya ang cellphone at nagtuloy sa paglalakad. Ngayon parang nakikita na niya ang mangyayari sa kaniya pagdating niya sa bangko. Dahil sa sinabi ng lalaki ay may ideya na siya sa ugali ng mga empleyado niya roon at ang dahilan kung bakit hindi maganda ang sales ng bangko. 
Sa kabilang banda, nakatayo lamang si Ned sa labas habang binubuksan ang glass door kapag may papasok na tao. Kumunot ang noo niya ng makita ang isang matandang pulubi na palapit sa kinaroroonan niya.
"Nay, ano pong kailangan nila?" tanong niya. Nginitian siya ng pulubi. 
"Mag-wiwithdraw lang sana ako," sagot ng matandang pulubi. Natigilan si Ned. Pagtataka ang mababasa sa mukha niya dahil ang isang pulubi ay may kakayahang mag-withdraw. Ganunpaman, hindi kakikitaan sa kaniya ang panlalait. Magiliw siyang ngumiti saka binuksan ang glass door at inalalayan ang matanda papasok sa loob. Wala siyang pakielam kahit matanggal pa siya sa trabaho ang mahalaga ay nakatulong siya sa kapwa niya. Hindi na hahayaan ni Ned na palabasin pa ang matandang pulubi. Iginiya niya ang pulubi sa isang upuan pra doon maupo.
"Hintayin niyo na lang po iyong pila ninyo, nay," magiliw na sabi niya saka binigyan ng numero ang pulubi. Mukhang hindi siya napansin ng mga empleyado na nagpapasok siya ng isang pulubi dahil abala ang mga ito sa pakikipag-usap na ikinaasim ng mukha ni Donya Estrella, na nagpapanggap na pulubi ng sandaling iyon. Nang siya na ang susunod sa pila ay tumayo na siya at nagtungo roon. 
"Anong kailangan mo?" masungit na tanong ni Jessica habang sinusuyod siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Mag-wiw-withdraw sana ako, ineng" tugon niya. Tumawa ng malakas si Jessica. Maging ang ibang kasamahan nito ay natawa na rin. Sa kaniya rin nakatingin ang mga tao na naroon. Awa ang makikita sa mga mata ng mga ito na baka magaya siya sa matandang pulubi na napalabas.
"What?! Mag-wi-withdraw ka?! Tingnan mo nga ang itsura mo? Sino ang maniniwala sa 'yo na mag-wi-withdraw ka? Eh hindi ka nga makabili ng maayos na damit?" Tumawa ito ng malakas saka binalingan ang mga kasama na tahimik rin na tumatawa. Ang ibang naroon ay napapailing na lamang. "Baka kasamahan ito ng lalaking gusgusin kanina," "Manong Ned!" tawag nito sa guwardiya. Agad naman itong pumasok.
"Bakit po?" tanong ng guwardiya.
"Paalisin mo rito ang matandang pulubi na iyan. Nagpapatawa, eh. Mag-wi-withdraw raw siya? Eh sino ang maniniwala na mag-wi-withdraw iyan? Eh maayos na damit nga hindi makabili," sarkastiko nitong sabi at binuntutan iyon ng malutong na halakhak. Tumalim ang mga mata ni Ned.
"Ipagpaumanhin ninyo, ma'am Jessica pero hindi ko susundin ang ipinag-uutos niyo. Hayaan ninyo na makapag-withdraw siya bago niyo siya husgahan," may paninindigan nitong sabi. 
"Kuya Ned isusumbong kita ngayon din! Ikaw ang guwardiya rito pero ikaw ang nagpapapasok ng mga tao na itsura pa lang ay parang may balak ng masama!" malditang sagot ng babae. 
"Hindi, hindi ko susundin ang ipinag-uutos mo, Ma'am Jessica. Sinunod ko ang ipinag-utos mo kanina pero sa pagkakataong ito ay hindi na. Kahit mawalan ako ng trabaho ay ayos lang basta ang mahalaga naging mabuti akong tao,," may paninindigan na sagot ni Ned. Kinagat ni Jessica ang ibabang labi dahil sa tinitimping galit. Tumayo ito at lumapit sa matanda saka hinila ito palabas ng bangko.
"Ang dami mong sinabi. Kami ang mapapahamak sa paninindigan na mayroon ka! Kung ayaw mong sumunod sa 'kin. Ako ang magpapaalis sa matandang pulubi na ito! Hindi ito nararapat na umapak sa bangkong ito!" sigaw ni Jessica at hinila palabas ang matanda. Halos kaladkarin ng babae ang matanda palabas ng bangko. Nakasunod lamang si Ned rito at mababakas ang awa sa mukha nito para sa matanda. Binuksan ng babae ang glass door at pabalyang binitawan ang matanda. Halos mapasubsob ito sa semento.
"Diyan ka nararapat! Huwag kami ang lokohin mo! May pinag-aralan kami at hindi kami magpapaloko sa isang pulubing kagaya mo!" sigaw ni Jessica habang dinuro-duro pa ang matanda. Ang mga tao sa loob ay takot mangielam dahil ayaw rin nila madawit sa gulo. Nilapitan ni Ned ang matanda at tinulungang makatayo saka iniabot ang baston rito.
"Nasaktan po ba kayo? Pasensiya na po sa inasal ni Ma'am Jessica. Sa totoo lang po gusto ko na pong umalis sa trabaho ko dahil naiinsulto po ako pero kailangan ko po ang trabahong ito para sa pamilya ko po lalo at may kolehiyo ako. Alam niyo naman po para sa pamilya ay gagawin ang lahat kahit gaano kahirap ang pinagdadaanan. Para sa pamilya ay kakayanin," madamdain na sabi nito. Hinawakan ng matanda ang braso ng guwardiya.
"Mabuti kang tao, Ned. Maswerte ang pamilya mo sa 'yo. Matiyaga at matiisin. Hindi natutulog ang Diyos sa mga kabutihan natin. Magbubunga lahat ng ipinapakita mong mabuti sa ibang tao at huwag kang titigil sa ginagawa mo dahil mas maraming biyaya ang darating sa 'yo," puno ng pag-asa na sabi niya. Ngumiti lamang si Ned at nagpaalam na sa matanda. Isinapuso at isip ang mga sinabi ng matanda.
"Ako pa tinakot ng matandang iyon? Mas mahirap ang mawalan ng trabaho kapag nagkataon," naiinis na sabi ni Jessica na nakasimangot.
Nang makauwi si Donya Estrella sa kanila ay agad niyang ikwenento sa anak ang natuklasan. Maging si Daniella ay nakaramdam ng galit sa ipinakita ng mga empleyado sa ina nito. At ng gabing iyon ay nagpasya ang donya na magtungo sa bangko kinaumagahan at turuan ng leksiyon ang mga empleyado niya. 
Nang marating ni Donya Estrella ang bangkong pag-aari, lumabas na siya ng kinasasakyang mamahaling pajero. Nakasuot ng magarang damit na hindi biro ang halaga, at mga alahas na milyo-milyones ang halaga. Pagtataka ang makikita sa mukha ni Ned ng makita siya. Inilahad ng donya ang kamay rito.
"Donya Estrella pala. Ang nagmamay-ari ng bangkog ito," nakangiting sabi ng donya. Magiliw naman itong tinanggap ng lalaki.
"Ned nga po pala. Ikinagagalak ko po kayong makilala, ma'am. Isang karangalan po ang makita kayo. Parang may kahawig po kayo ma'am," nahihiwagahang sabi ni Ned. Ang nasa isip nito ay ang matandang pulubi na kahawig ng donya. Natawa ng mahina ang donya at hindi na nagsalita pa. Pinagbuksan siya nito ng pintuan. Agad na napatayo ang mga empleyado ng makita siya. Maging ang ibang tao na naroon ay napatingin sa donya. Puno ng paghanga ang makikita sa muha ng mga ito. Lumapit siya sa front desk at tiningnan isa-isa ang mga empleyado at ipinakilala ang sarili. Napatayo ang mga ito.
"Good morning, ma'am. Mabuti po at napadalaw po kayo," magiliw na sabi ng mga ito. 
"Mukhang abala kayo sa mga ginagawa, huh. May itatanong lang ako. Natatandaan niyo ba ang pulubi na nagpunta dito kahapon?" tanong niya. 
"Opo. Iyong matandang lalaki at matandang babae po? Agad po namin silang pinalabas ma'am dahil baka magnanakaw po sila. Di ba iyon po ang modus ng mga magnanakaw? Nagbabalat-kayo para kaawaan? Mabuti na lamang po at napaalis namin sila dahil kapag nagkataon ay baka nanakawan kami," wika ni Jessica. Natawa ng malakas si Donya Estrella. 
"Hindi ko akalain na magagawa niyo iyon sa kanila. Porket gusgusin sila ay pinaalis niyo na sila ng bangko? Iyon ba ang tama na gawin sa kapwa ninyo?" may bahid na inis na sabi ng donya. Nagbaba ang mga ito ng tingin. "Paano kung sabihin ko sa inyo na ako at ang matandang pulubi ay iisa?" seryuso niyang tanong. Nawalan ng kulay ang mukha ng mga ito.
"Seryuso po kayo, ma'am?" tanong ni Jessica at napalunok pa. Kitang-kita rin ang takot sa dalawang empleyado.
"Oo, ako nga iyon. Nagulat kayo 'no? Alam niyo kung bakit ko iyon ginawa? Gusto kong malaman ang dahilan kung bakit maliit ang sales ng bangko. Kayo pala ang dahilan! Mas inuuna ang pakikipagtsismisan kaysa trabaho. At minamaliit ang kapwa ninyo! Hindi tamang asal iyon! At dahil diyan ay papalitan ko kayo!" sabi ng donya. Agad na lumabas ang tatlo at lumuhod sa harapan ng donya. Makikita ang pagsisisi sa mukha ng tatlong empleyado. Ngayon ay ito ang kinahinatnan ng hindi magandang ugali nila.
"Patawarin niyo po kami, ma'am. Bigyan niyo pa po kami ng pagkakataon na mapatunayan na magbabago kami. Patawad po hindi po namin sinasadya. Ngayon namin narealize na maling-mali po ang ginawa namin. Kahit papaano po ay may natutunan kami sa nangyari. Sana mapatawad ninyo kami," hinging paumanhin ng tatlo. Napabuntong-hininga si donya Estrella. Malambot ang puso niya sa mga taong marunong magsisi sa kasalanan. Sino ba siya para hindi magpatawad? Kung ang Diyos nga marunong magpatawad siya pa kaya na tao lang?
"Sige, bibigyan ko kayo ng pagkakataon na magbago. Ramdam ko naman na sincere kayo sa paghingi ng paumanhin. Lahat naman tayo nagkakamali at nagkakasala. Ang mahalaga, natuto tayo sa mga pagkakamali natin. Wala naman perpektong tao sa mundo," nakangiting sabi ni donya Estrella. Halos maluha ang tatlo sa tinuran ng donya kaya labis-labis ang pasasalamat ng mga ito rito. Nangako ang mga ito na magbabago.
Nang makalabas si Donya Estrella ng bangko ay kitang-kita ang pagtataka sa mukha ni Ned. Nasaksihan din kasi nito ang nangyari sa loob.
"Kayo po pala iyon, ma'am. Kaya po pala pamilyar kayo sa 'kin dahil kayo po pala ang pulubing tinulungan ko kahapon. Napakabuti po ninyo. Kahit ginawan po kayo ng masama ay nanaig pa rin po ang pagpapatawad sa inyong puso. Deserve niyo po ang mga natatamasa ninyo ngayon," Ngumiti siya.
"Natuto naman sila sa nagawa nila. Ang mahalaga doon ay nagsisi sila sa mga pagkakamali nila. Dahil sa kabutihan na ipinakita mo, tataasan ko ang sahod mo para mas malaki pa ang maibigay mo sa pamilya mo at mabigyan ng magandang kinabukasan ang iyong mga anak. At bibigyan ko rin sila ng scholarship kapag sila ay tumuntong na sa Kolehiyo," nakangiting sabi ng donya. Hinawakan ng guwardiya ang kamay ni Donya Estrella dahil sa labis na galak.
"Maraming salamat po, ma'am. Napakabuti po ninyo! Hindi ko po akalain na makakatagpo po ako ng kagaya ninyo na sobrang busilak ang puso. Nawa'y bigyan pa kayo ng Diyos ng mahabang buhay para mas makatulong pa sa ibang tao," buong sinseridad a sabi ni Ned na nangingilid ang luha sa mga mata. 
"Natatandaan mo ba ang sinabi ko sa iyo kahapon na lahat ng kabutihan natin ay may kapalit? Ito na iyong kapalit na sinasabi ko sa 'yo. Sa buhay kailangan huwag mawawalan ng pag-asa," Puno ng pag-sa at saya ang nararamdaman ng lalaki ng iwan niya ito at bumalik sa sasakyan. 
"Doon tayo sa matadang lalaki na pinasundan ko sa 'yo kahapon," utos ni Donya Estrella kay Manuel. Tumalima naman ito. Ngumiti siya ng maalala ang kaniyang nakaraan. Nagmula siya sa isang mahirap na pamilya hanggang sa makilala niya ang kaniyang asawang si Paulino. Mayaman ang pamilya nito pero hindi iba ang turing sa kaniya. Minahal siya nito sa kabila ng kalagayan niya sa buhay kaya iyon ang naging inspirasyon niya para tumulong sa kaniyang kapwa at ipinangako iyon sa asawa ng ito ay sumakabilang-buhay na. 
"Ma'am nandito na po tayo," paalam ni Manuel. Bumaba siya ng sasakyan at tiningnan ang construction site na nasa kaniyang harapan. Napatingin sa kaniya ang mga trabahador. Lumapit sa kaniya ang isang binatilyo.
"Sino po ang  hanap ninyo, ma'am?" tanong nito.
"Nandito ba si Gelbert? Puwede ko ba siyang makausap, iho." Tumango ang binatilyo at nagpaalam na tatawagin lang daw si Gelbert. Natanaw niya ito na papalapit sa kaniya.
"Ma'am? Pinapatawag niyo po ako?" kinakabahan nitong tanong. Inakala nito na may-ari si Donya Estrella ng construction site at may nagawa siyang mali.
"Natatandaan mo ba iyong matandang pulubi na lumapit sa 'yo noong isang araw?" tanong ng donya. Tumango-tango ito bagaman clueless ito kung bakit iyon natanong ng kaharap.
"Ako iyon." nakangiti niyang sabi. Nanlaki ang mga mata nito. 
"Kayo po iyon?!" hindi-makapaniwala nitong sabi saka sinuyod pa siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Oo. Narito ako para bigyan ka ng mas magandang trabaho at mas malaking kita para sa pamilya mo. Maibibigay mo sa kanila ang kanilang mga pangangailangan mo na hindi kailangan mabilad sa sikat ng araw," tugon ng donya ng may malawak na ngiti sa labi dahil nakatulong siya. HInawakan ni Gelbert ang kamay ng donya. Bagaman marumi iyon ay hindi kinakitaan ng pandidiri ang donya.
"Maraming-maraming salamat po, ma'am. Malaking tulong po ito sa 'kin. Sobrang napakabuti po ninyo. Hindi ko po alam kung paano ko kayo pasasalamatan, ma'am," maluha-luhang sabi ni Gelbert. Labis ang galak na nararamdaman ni Donya Estrella ng mga sandaling iyon dahil hindi lang isa kundi limang tao ang natulungan niya. Masarap tumulong ng walang hinihinging kapalit.

Book Comment (269)

  • avatar
    Ricablanca Desirie

    good story

    08/03

      0
  • avatar
    EmrrMohha

    nice story

    13/12

      0
  • avatar
    Mirull Efype

    wow

    17/10

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters